Walang nakikitang critical outbreak ng African Swine Fever o ASF sa bansa ang Department of Agriculture (DA).
Ito kahit pa bahagyang tumaas ang aktibong kaso ng ASF sa 92 barangays nitong Aug. 21 mula sa 65 barangays noong Aug. 13, batay sa tala ng Bureau of Animal Industry (BAI).
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel De Mesa, karaniwang tumataas ang mga kaso tuwing ikatlong quarter ng taon dahil sa ilang factors gaya maulang panahon.
Paliwanag din nito, kapansin pansin na paisa-isa lamang ang naitatalang kaso ngayon sa ilang munisipyo, ‘di gaya ng sitwasyon noong nakaraang dalawa hanggang tatlong taon kung kailan mas marami at mas malawak ang mga kaso.
Matatandaang inaprubahan na rin kamakailan ang commercial use ng AVAC live vaccine laban sa ASF na mahalagang hakbang para sa recovery at repopulation efforts ng lokal na hog industry.
Ayon kay Asec. De Mesa, inaasahang ihahabol pa sa unang bahagi ng 2027 ang PROVAC vaccine mula South Korea, na magsisilbing alternatibong bakuna para sa mga nag-aalaga ng baboy.