Photo courtesy of National Dairy Authority (NDA)
Itatayo ng National Dairy Authority (NDA) ang isang 50-hektaryang Dairy Stock Farm and Feed Center sa Kabankalan City, Negros Occidental.
Ito ay matapos pormal na makipag-partner ang ahensya sa Central Philippines State University (CPSU).
Sa ilalim ng kasunduan, gagamitin ng NDA ang lupain ng CPSU sa loob ng 25 taon na maaaring i-renew ng panibagong 25 taon.
Ayon kay NDA Administrator Atty. Marcus Antonius Andaya, magkakaroon ang pasilidad ng kapasidad na 150 dairy cows at produksiyong aabot sa 640,000 liters ng gatas kada taon.
Layunin nitong palakasin ang dairy production, breeding at research, gayundin ang pagsasanay sa mga estudyante, magsasaka, at iba pang stakeholders.
Sinabi pa ni Andaya, makatutulong din ang proyekto sa pagpapalawak ng local dairy value chain at pagbuo ng mas matatag na industriya ng pagawaan ng gatas sa Negros Island Region.
Sa unang kalahati ng 2026, nakapagtala ang rehiyon ng 1.12 million liters ng milk production, o 8.11 % na mas mataas kaysa sa parehong panahon noong nakaraang taon.