Handa ang Philippine National Police General Hospital (PNP-GH) na tanggapin si dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ito’y ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ay sakaling aprubahan ng Sandiganbayan ang inihaing mosyon ng PNP na mailipat sa Kampo Crame ang mambabatas.
Sinabi ni Nartatez, na hihintayin nila ang magiging desisyon ng Sandiganbayan 3rd Division na siyang dumirinig ng kasong plunder laban sa dating speaker dahil sa anomalya sa kickback scheme sa flood control projects.
Kasunod nito, sinabi naman ni PNP Spokesperson, Police Colonel Allen Rae Co, handa na ang kwarto ng pagdadalhan kay Romualdez para doon suriin ang estado ng kaniyang kalusugan.
Binigyang diin naman nito, na walang special treatment na ibibigay sa dating speaker at ilalagay ito sa ordinaryong silid gaya ng iba pang mga pasyente roon.