Sa isang Joint Cybersecurity Advisory, inilagay ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa heightened cyber vigilance ang lahat ng national government agencies, government-owned and controlled corporations, local government units, at operators ng Critical Information Infrastructure.
Kasunod na rin ito ng naiulat na cyberthreats sa ilang government digital systems.
Sa ilalim ng heightened cyber vigilance, binigyan ng 24-oras ang mga ahensya na magkasa ng mga itinakdang cybersecurity measures at magsumite ng cyber readiness assessment.
Kabilang sa mga prayoridad ang pagtugon sa critical vulnerabilities, pagpapatupad ng multi-factor authentication sa critical at privileged accounts, pagtanggal ng hindi kinakailangang internet exposure, pagpapalakas ng security monitoring, pagtiyak na maaaring ma-recover ang mga backup, pagsusuri sa third-party access, at pag-validate sa incident-response at service-continuity procedures.
Gagamitin sa assessment ang GREEN-AMBER-RED framework, kung saan nangangailangan ng agarang aksyon ang RED conditions, habang nangangailangan naman ng remediation at monitoring ang AMBER conditions. Ang GREEN status ay nangangahulugan ng patuloy na pagbabantay at hindi nangangahulugang zero risk.
Inatasan din ang mga ahensya na agad i-escalate ang anumang pinaghihinalaang seryosong cyber incident.