Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong naniniwalang gaganda ang kanilang kalidad ng buhay sa susunod na 12 buwan, ayon sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa isinagawang survey mula June 20-29, 48% ng mga Pilipino ang tiwalang gagandaang kanilang buhay sa loob ng 12 buwan o ‘optimist’.
Samantala, 31% ang nagsabing mananatili itong pareho at 8% naman ang naniniwalang lalala ito. Ang natitirang 12% ay hindi tumugon.
Dahil dito, nakapagtala ang bansa ng net personal optimism score na +40, na itinuring ng SWS na “excellent.”
Mas mataas din ito ng 17 puntos kumpara sa +23 na naitala noong March 2026 na nasa “high” category.
Ayon sa SWS, tumaas ang Net Personal Optimism sa lahat ng bahagi ng bansa.
Pinakamalaki ang itinaas sa Balance Luzon, mula +22 noong March hanggang +49 noong June, na umakyat mula “high” tungo sa “excellent.”
Sa Metro Manila, tumaas naman ang score mula +28 hanggang +36; sa Visayas, mula +27 hanggang +33; at sa Mindanao, mula +20 hanggang +31.
Isinagawa ang survey sa 1,200 adults sa pamamagitan ng face-to-face interviews.