Inaaral ngayon ng Kamara na dagdagan ang panukalang ₱643.95-bilyong pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para makatulong sa pagpapasigla ng ekonomiya at paglikha ng trabaho simula 2027.
Ayon kay House Public Works and Highways Committee Chairperson at Appropriations Vice Chair Romeo Momo Sr., ikinababahala ng Kamara ang mabagal na 2.3% economic growth sa ikalawang quarter at ang epekto nito sa trabaho at kita ng mga pamilya.
Giit ni Momo, maaaring magsilbing economic stimulus ang mas malaking investment sa imprastraktura upang mapabilis ang paglago ng ekonomiya.
Aniya, kailangang dagdagan ang pondo ng DPWH dahil ito ang engineering arm ng pamahalaan at pangunahing nagpapatupad ng mga infrastructure project.
Batay sa kanyang pagtaya, nasa ₱33-trillion ang inaasahang GDP ng bansa sa 2027.
Kung limang porsyento nito ang ilalaan sa infrastructure spending, aabot umano ito sa ₱1.65-trilyon, kumpara sa kasalukuyang ₱643-bilyong panukalang pondo ng DPWH.
Dahil dito, sinabi ni Momo na tinatayang ₱1-trilyon pa ang kakailanganing dagdag na pondo upang mas mapabilis ang pag-ikot at paglago ng ekonomiya.
“In fact, when we have additional spending in infrastructure, it will surely propel our economic growth po…Sa totoo lang, kailangan po talaga natin i-increase ang ating spending. At dahil dito, dapat po sana madagdagan ang pondo ng DPWH, dahil siya ho ’yung ating engineering arm, siya ’yung tagapagpatupad ng ating mga proyekto,” pahayag ni Momo.