Hinihikayat ng Office of Civil Defense (OCD) ang publiko na lumahok at makiisa sa Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) para sa ikatlong quarter ng taon.
Isasagawa ang NSED mamayang ala-1 ng hapon na susundan ng ceremonial pressing of the button dakong alas-2 ng hapon sa Ayala Triangle Gardens sa Makati City.
Magsasama-sama sa pagsasanay na ito ang OCD, Ayala Property Management Corporation, at Makati Central Estate Association.
Dito, bibigyan ng diin ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor para tugunan ang mga hamon sa panahon ng sakuna gaya ng lindol.
Ayon naman kay OCD Administrator, Undersecretary Harold Cabreros, katuparan ito ng kanilang hangarin na mailahok ang pribadong sektor sa mga ganitong pagsasanay upang lalong mapaigting ang disaster response operations.
Kasunod nito, hinimok ni Cabreros ang pribadong sektor na maging aktibo sa paghahanda sa mga sakuna at patatagin ang kanilang Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) upang mas maraming buhay ang masagip.
Sabay-sabay itong gagawin sa iba’t ibang panig ng bansa at mapapanood din sa Facebook page ng OCD at sa iba’t ibang ahensya.