Ipinagmalaki ng Department of Agriculture (DA) ang aabot sa humigit-kumulang US$290 million generated sales ng Pilipinas sa Asia Fruit Logistica 2026 na ginanap sa Hong Kong.
Lumahok ang Philippine delegation sa naturang exhibition, na nangungunang international trade show para sa fresh produce business sa Asia.
Sa kabuuang sales ng Pilipinas, mahigit US$222.75 million ang booked sales habang nasa mahigit US$70.39 million naman ang sales na kasalukuyang under negotiation para sa iba’t ibang high-value crops gaya ng durian, saging, mangga, at dragon fruit.
Pinakamalaki sa booked sales ang durian na umabot sa US$206 million, habang nasa US$14 million naman ang saging.
Nakakuha rin ng negotiated sales ang dragon fruit na umabot sa US$1.02 million, habang nasa US$170,800 naman ang mangoes.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, bunga ito ng mas pinaigting na koordinasyon ng pamahalaan at mga lokal na commercial farmers upang mapalawak ang merkado para sa mga produktong agrikultural ng bansa.

