Lalarga na simula ngayong araw ang “LIBRENG SAKAY” hatid ng mga electric LOVE BUS sa Pasig City.
Kahapon, pinangunahan ni First Lady Lisa Araneta-Marcos kasama si Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson, Atty. Don Artes ang pagpapasinaya sa iconic LOVE BUS. Dumalo rin sa inagurasyon ang mga Alkalde sa Metro Manila para magpahayag ng suporta sa pangunguna ni Pasig City Mayor Vico Sotto.
Masasakyan ng mga pasahero ang LOVE BUS mula alas-6 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi na may rutang mula Robinson’s Galleria sa Ortigas patungong MMDA Head Office sa Julia Vargas.
Daraan din ito sa Arcovia City, C5-Bridgetown, gayundin sa Eastwood sa Quezon City at pabalik
Ayon kay MMDA Chairman, Atty. Don Artes, bago ang ruta ng mga LOVE BUS kaya hindi ito makikipagkumpetensya sa mga kasalukuyang pampublikong sasakyang pumapasada sa lugar.
Unang nasilayan ang LOVE BUS noong dekada 70’s sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Matapos nito, pinasinayaan din ng Unang Ginang ang MMDA Annex building na magbibigay ng karagdagang pasilidad ng ahensya.

