Sa gitna ng patuloy pa ring epekto ng habagat, hindi rin tumitigil ang Quezon City LGU sa konstruksyon ng mga detention basin sa G. Araneta Avenue bilang bahagi ng flood mitigation project ng lokal na pamahalaan.
Alinsunod ito sa Drainage Masterplan ng lungsod na layong mabawasan ang pagbaha sa mga lugar na sakop ng San Juan River Catchment Area.
Sa inilabas na status report ng LGU, 100% kumpleto na ang detention basin sa Corner N.S. Amoranto na may detention capacity na 2,050 cubic meters at flood volume reduction na 29%.
Nasa 19.98% namang kumpleto ang proyekto sa Corner Mauban Street at target na matapos sa nobyembre habang 32.75% naman ang status ng konstruksyon sa Corner Maria Clara Street na inaasahang matatapos sa Disyembre.
Ayon sa LGU, sa oras na matapos ang mga proyektong ito, aabot sa 5,140 cubic meters o mahigit limang milyong litro ng tubig-ulan ang kapasidad nito na makatutulong sa pagpapalakas ng flood control at drainage infrastructure sa Quezon City.


