Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na isumite sa Kongreso ang mandated implementation report ng Trabaho Para sa Bayan Act.
Ayon kay Villanueva, mahalagang mabigyan ang Kongreso ng malinaw na account sa progreso, mga kakulangan, at konkretong hakbang ng pamahalaan sa ilalim ng Trabaho Para sa Bayan Plan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11962 o Trabaho Para sa Bayan Act, inaatasan ang Trabaho Para sa Bayan Inter-Agency Council na magsumite sa Kongreso ng implementation report tuwing Enero at Hulyo.
Giit ng senador, napapanahon ang pagsusumite ng ulat kasunod ng pagtaas ng unemployment rate sa 6% noong Hulyo 2026, mula 5.3% noong nakaraang taon.
Umakyat din sa 3.14 million ang bilang ng mga walang trabaho, habang tumaas sa 63.6% ang labor force participation rate.
Ayon kay Villanueva, dapat gamitin ang labor data para matukoy ng pamahalaan, partikular ng CHED at TESDA, kung aling mga sektor ang nangangailangan ng intervention sa job generation at skills training.
Mahalaga aniya na matiyak na ang economic growth ay nauuwi sa mas stable, productive, at pagkakaroon ng disenteng trabaho para sa mga Pilipino.