Nilinaw ng Department of Education (DepEd) at Department of Budget and Management (DBM) na hindi totoong “zero funding” para sa hiring ng public school teachers ang proposed Fiscal Year (FY) 2027 National Budget. Sa katunayan, may nakalaang P31.220 billion para punan ang 64,530 authorized teaching positions.
Binigyang-diin ng dalawang ahensya na tuloy ang hiring ng teachers. Bagama’t walang panibagong batch ng Teacher I positions na proposed for creation sa FY 2027 National Expenditure Program (NEP), may libu-libong authorized teaching positions na maaari nang punan ng DepEd sa oras na makapag-hire ng qualified applicants.
Sa 64,530 teaching positions na may funding para mapunan, 31,614 ang existing vacant teaching positions na naka-record sa Government Manpower Information System (GMIS) as of April 24, 2026. Mayroon ding 32,916 teaching positions na newly created at inaprubahan ng DBM noong May 2026.
Mananatiling available ang mga authorized positions na ito para punan ng DepEd habang nakakapag-hire ng qualified applicants. Hindi nawawala o nag-e-expire ang mga posisyong ito dahil lamang hindi agad sila napunan sa taon kung kailan sila ginawa.
Nilinaw din ng DepEd at DBM na ang 64,530 teaching positions na nakapaloob sa proposed FY 2027 budget ay batay sa official personnel data na available sa DBM noong budget preparation process at sa applicable cut-off periods. Kasama rito ang 31,614 existing vacant teaching positions na naka-record sa GMIS as of April 24, 2026, at ang 32,916 newly created teaching positions na inaprubahan ng DBM noong May 2026.
Samantala, ipinapakita ng mas bagong Personnel Audit ng DepEd na patuloy na napupunan ang mga authorized teaching positions. As of September 4, 2026, iniulat ng DepEd na 33,250 teaching positions na ang napunan habang 25,019 ang nananatiling unfilled. Para naman sa teaching positions na newly created noong 2026, iniulat din ng DepEd na 22,649 na ang napunan at 8,733 ang unfilled pa.
Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na mahalagang malinaw ito sa mga guro at applicants na maaaring nagkaroon ng impresyon na titigil ang government sa paghire ng teachers sa susunod na taon.
“Let us be clear: hindi titigil ang hiring ng teachers. We have thousands of authorized teaching positions that DepEd can continue to fill. The immediate task is to get qualified teachers into these vacant positions as quickly as possible and deploy them where they are needed most,” pahayag ni Sec. Angara.
“We understand the continuing need for more teachers, and we will continue working with DBM and Congress as enrollment, class size, subject requirements, and conditions on the ground evolve. But while that discussion continues, may mga bakanteng posisyon na tayo ngayon na puwedeng punuan. We should not lose sight of that,” dagdag niya.
P31.2 billion para punan ang 64,530 teacher positions
Ipinaliwanag ni Budget Secretary Kim Robert C. De Leon na priority sa FY 2027 NEP ang pagpuno sa maraming teaching positions na authorized na ng government pero vacant pa.
“It is simply incorrect to conclude from that that there is no funding to hire teachers. There is a very important distinction between creating a new position and hiring a teacher. Walang panukalang panibagong batch ng Teacher I positions for creation sa fiscal year 2027 dahil habang binabalangkas ang NEP, marami pa ang unfilled vacant teaching positions. That is precisely why we have allotted funding for this. There is P31.220 billion specifically provided for the filling of 64,530 teaching positions,” sinabi ni De Leon.
Ayon sa Budget Chief, marami nang teaching positions na authorized ng government na maaari pang punan ng DepEd. As of the April 2026 budget preparation cut-off, may 31,614 vacant teaching positions. Bukod dito, inaprubahan ng DBM noong May 7, 2026 ang creation ng 32,916 additional teaching positions—ang pinakamalaking annual batch na makikita sa government data covering FY 2022 to FY 2026.
“The priority now is to turn these authorized positions into actual teachers inside our classrooms. Hindi makakatulong sa teacher shortage kung patuloy tayong magdadagdag ng plantilla items habang libu-libo naman ang existing at newly created positions na naghihintay pang mapunan. The budget is there. The positions are there. Our focus should be on getting qualified teachers hired and deployed,” pagbibigay-diin ni De Leon.
Dagdag pa ng Secretary, hindi nawawala ang isang authorized teaching position dahil lamang vacant pa ito sa pagtatapos ng fiscal year.
“These positions remain available for filling. DepEd may hire against these authorized vacant items in this year until next year, or until they are filled. Kaya huwag po sanang maniwala ang ating mga kababayans sa mga viral reels na nagsasabing walang hiring ng teachers sa 2027,” sabi ni De Leon.
Ang paglilinaw ay kasunod ng mga ulat na hindi umano makakapag-hire ng teachers ang DepEd sa 2027 dahil hindi naisama sa NEP ang request nito para sa 14,274 additional teaching positions na tinatayang mangangailangan ng P4.29 billion.
Nilinaw ng DepEd at DBM na ang 14,274 positions ay panibagong proposed batch ng additional positions at hiwalay ito sa 64,530 authorized teaching positions na mayroon nang funding para punan. Maaari namang muling i-evaluate ang pangangailangan para sa additional positions kung may makikita pang gaps matapos mapunan ang mga authorized existing vacancies.
P7.58-B para sa substitute teachers para tuloy ang klase
Bukod sa funding para mapunan ang regular teaching positions, may P7.582 billion din sa proposed FY 2027 National Budget para sa hiring ng substitute teachers. Layunin nitong matiyak na tuloy ang klase kahit pansamantalang hindi available ang regular teacher.
Maaaring kumuha ng substitute teachers kapag ang regular teachers ay nakamaternity o iba pang authorized leave, dumadalo sa training at professional development activities, o pansamantalang hindi makapasok dahil sa iba pang authorized reasons.
“Hindi puwedeng tumigil ang pagkatuto ng isang bata dahil pansamantalang wala ang kanyang regular teacher. That is why the 2027 budget also provides P7.582 billion for substitute teachers—to help make sure that classrooms remain staffed and learning continues,” pahayag ni De Leon.
Career progression tuloy-tuloy: P8.68-B inilabas na para sa 93,344 personnel
Ramdam na rin sa aktuwal na salary increases ang suporta ng government sa career progression ng teachers.
Kamakailan, nag-release ang DBM ng P8.68 billion para sa salary differentials ng 93,344 qualified public school personnel na na-reclassify ang positions sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System. Gagamitin ang pondong ito para mabayaran ang salary adjustments na katumbas ng kanilang reclassified positions.
P12.09-B para palawakin ang teacher career progression sa 2027
Para maituloy at mapalawak pa ito, may P12.090 billion sa proposed FY 2027 budget para sa ECP System—halos doble ng P6.148 billion na inilaan noong 2026. Target nitong suportahan ang 135,063 position reclassifications para mas maraming qualified teachers at school heads ang magkaroon ng pagkakataong umangat sa kanilang career at makatanggap ng kaukulang mas mataas na compensation.
Sa ilalim ng ECP, hindi na kailangang maghintay ng vacancy sa mas mataas na position bago magkaroon ng pagkakataong umangat ang qualified teachers. May expanded career lines mula Teacher I hanggang Teacher VII at Master Teacher positions, batay sa merit at competence.
P10.36-B teaching allowance, P38.78-B para sa teacher benefits
May P10.364 billion din sa proposed budget para sa P10,000 Teaching Allowance na sasaklaw sa humigit-kumulang 1.036 million teaching at teaching-related personnel.
Bukod dito, may P38.782 billion para sa benefits sa ilalim ng Magna Carta for Public School Teachers. Kasama rito ang P25.037 billion para sa Personnel Economic Relief Allowance; P5.795 billion para sa Special Hardship Allowance; P648.095 million para sa teaching overload honoraria; at P7.302 billion para sa medical allowance ng qualified civilian personnel, kabilang ang teachers.
May P3.018 billion din sa 2027 NEP para sa training ng DepEd personnel, kabilang ang P1.864 billion para sa in-service training at iba pang learning and development interventions.
Dagdag na personnel para mabawasan ang administrative work ng teachers
Hindi lang teaching positions ang sinusuportahan sa proposed budget. May P840.589 million din para sa creation ng 2,135 non-teaching positions na tutulong sa administrative work sa mga paaralan para mas makapag-focus ang teachers sa pagtuturo.
Kasama rito ang 1,000 School Principal I, 1,000 Project Development Officer I, at 135 Administrative Officer II positions.
May hiwalay ding P801.583 million sa NEP para sa 2,021 school counseling positions, na binubuo ng 1,800 School Counselor Associate I positions at 221 School Division Counselor positions. Layunin nitong palakasin pa ang learner support services sa public schools.
Ayon kay Angara, bahagi ang mga investment na ito ng mas malawak na effort para tugunan ang aktuwal na pangangailangan ng teachers—mula staffing at workload hanggang promotion, compensation, health, at professional development.
“Ang kailangan ng ating mga guro ay hindi lamang dagdag na plantilla sa papel. Kailangan nating punuan ang mga bakanteng posisyon, bilisan ang hiring, bigyan sila ng pagkakataong ma-promote, bawasan ang administrative work, at tiyaking nakukuha nila ang benepisyo at suportang nararapat sa kanila. That is what DepEd will continue working to deliver,” sinabi ni Angara.
Binigyang-diin naman ni De Leon na ganito rin ang approach ng proposed budget: pondohan kung ano ang kayang ma-implement, punan ang mga posisyong authorized na ng government, at tiyaking ang appropriations ay nauuwi sa aktuwal na serbisyo sa mga paaralan.
“Ang sukatan natin ay hindi kung ilang posisyon ang nakasulat sa papel. Ang sukatan ay kung ilang guro ang aktuwal na nasa classroom at nagtuturo sa ating mga bata. We have plenty of funded teaching positions waiting to be filled. Let us fill them—and make every peso for education count,” pahayag ni De Leon. | Press Release from the Department of Budget and Management