Sumalang ngayon sa pagdinig ng Sandiganbayan 3rd Division ang ilan sa mga doktor na sumuri sa medical condition ni Romualdez habang naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center.
Kaugnay ito sa mosyon ni Romualdez na patuloy na hospital confinement.
Ayon sa admitting physician na si Dr. Kurt Sibayan, bandang 4:00 PM noong Monday, September 7, nang ma-admit sa ospital si Romualdez dahil sa chest pain.
Ito rin ang mismong petsa kung kailan inilabas ang warrant of arrest laban sa mambabatas.
Batay sa pahayag ng doktor, hindi emergency ang pagpapadmit kay Romualdez. Inatasan lamang din umano si Dr. Sibayan na gumawa ng medical abstract, ngunit hindi niya personal na nakita o nasuri ang mambabatas.
Humarap din sa pagdinig si Dr. Rosalio Torres, main attending physician ni dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Dr. Torres, tumawag sa kanya ang kampo ni Romualdez bago mag-10:00 AM noong September 7 dahil sa chest discomfort. Dahil sa history nito ng cardiovascular problem, ipinayo niyang ma-confine sa ospital si Romualdez.
Hindi rin niya inirekomenda ang paglilipat sa ibang ospital na may parehong medical equipment dahil high-risk umano ang kondisyon nito at maaaring kailanganin ng agarang medical attention.
Iginiit naman ng kampo ni Romualdez na bukod sa kanyang mga medical condition, nakararanas din umano siya ng psychological stress.
Samantala, muling tinutulan ng prosekusyon ang patuloy na pananatili ni Romualdez sa pribadong ospital at iginiit ang independent medical assessment ng mga government doctor.
Mungkahi rin ng prosekusyon na ilipat na si Romualdez sa isang BJMP facility.
Nakatakda namang ipagpatuloy bukas ang pagdinig para sa pagharap ng iba pang mga doktor at cross-examination ng prosekusyon.