Iginit ng National Parent Teacher Association o PTA na hindi dapat basta magpaka-kampante ang bansa sa natamo nitong pagtalon sa ranking ng Programme for International Student Assessment o PISA.
Sa panayam ng Mark In, Mark Out kay National PTA Legal Consultant, Atty. Bim Sali, dapat mas pag-igihan pa ngayon ng Department of Education ang mga adhikain nito upang mas palakasin pa ang sistema ng edukasyon at pagkatuto ng mga kabataan.
Ayon kay Sali malaki ang naging epekto ng pinagsamang lakas ng pamahalaan at pribadong sektor upang sa loob lang ng tatlong taon ay mapataas ng Pilipinas ang ranggo nito sa tatlong asignatura sa PISA.
Umaasa naman ang National PTA na magtutuloy-tuloy na ito at masakop na rin ang iba pang asignatura pagdating sa achievements ng mga Pilipinong mag-aaral.
Naging malaking tulong din ang mga inilunsad na programa ng pamahalaan tulad ng Tara Basa tutoring program at pag-aalis ng administrative duties sa mga guro upang mas matutukan nila ang pagtuturo sa mga mag-aaral.