Sinusuri ng House Committee on Appropriations infrastructure cluster ang mga hindi pa nagagamit o underutilized na pondo para sa imprastraktura ng ilang ahensya ng gobyerno bilang posibleng pagkukunan ng dagdag na pondo para sa Department of Public Works and Highways o DPWH.
Ayon kay House Appropriations Committee Vice Chair Reynante Arrogancia, rerepasuhin ng mga mambabatas ang utilization ng infrastructure funds ng mga ahensyang nagpapatupad ng mga proyekto upang matukoy kung may pondong hindi agad magagamit at maaaring i-realign sa mga proyektong handa nang ipatupad.
Kabilang sa mga ahensyang titingnan ang Department of Transportation o DOTr, Department of Agriculture, National Irrigation Administration, Department of Information and Communications Technology, at Metropolitan Manila Development Authority.
Giit ni Arrogancia, sisiguraduhin nila na hindi maaapektuhan ang kabuuang programa at mga prayoridad ng mga ahensyang pagkukunan ng pondo.
Tiniyak din ni Appropriations Committee Vice Chair Romeo Momo Sr. na hindi kukunin sa sektor ng edukasyon, kalusugan, at social services ang pondong ilalaan sa DPWH.
Dagdag pa niya, hindi lamang pananatilihin kundi maaari pang dagdagan ang pondo para sa naturang mga sektor.
