Ikinalugod nina Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña at Mamamayang Liberal party-list Representative Leila De Lima ang pag alis ng Bureau of Immigration (BI) sa derogatory system nito ang pangalan ni international human rights defender at dating UN Special Rapporteur on Extrajudicial Killings Agnes Callamard.
Sa liham na may petsang Setyembre 3, 2026, sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na inalis na ang pangalan ni Callamard sa derogatory system, kasunod ng manifestation ng mga mambabatas noong May 11, 2026.
Matatandaang isinailalim sa entry ban si Callamard noong Abril 20, 2018, matapos siyang bumisita sa Pilipinas noong Mayo 2017 nang hindi umano naabisuhan nang maaga ang pamahalaan.
Sa pahayag ni Cendaña, isang tagumpay para sa Akbayan ang pagtanggal kay Callamard sa blacklist, na aniya’y mahalagang hakbang para sa mga human rights defenders.
Nagpasalamat naman si de Lima kay Viado para sa tinawag niyang “act of institutional integrity” ng Bureau of Immigration.
Aniya, kapuri-puri ang naging hakbang ng BI, na aniya’y hindi lamang isang maliit na usaping administratibo kundi pagpapatibay na may kabuluhan pa rin ang due process at may saysay ang pagbabantay sa mga institusyon.