Magpapamahagi ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng 1,500 firetrucks sa buong bansa sa loob ng susunod na isa’t kalahating taon upang matiyak na may sapat na kagamitan ang mga munisipyo para sa pagtugon sa sunog.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, kukunin ang mga firetruck sa pamamagitan ng government-to-government agreement sa Republic of Korea.
Dahil dito, direktang makikipag-ugnayan ang pamahalaan ng Pilipinas sa South Korean government para sa procurement at hindi na dadaan sa mga middleman ang transaksyon.
Sinabi ni Remulla na nagtutulungan ang Office of the President, DILG, Department of Foreign Affairs at Bureau of Fire Protection para maisakatuparan ang programa.
Target ng DILG na sa loob ng 18 buwan ay magkaroon na ng firetruck ang mga munisipyo sa buong bansa.
Inihayag ito ni Remulla sa turnover ng 20 Class 1 Unified 911 emergency response motorcycles sa Police Regional Office 6 sa Camp General Martin Teofilo B. Delgado sa Iloilo City.