Suportado ni House prosecution adviser Robert Ace Barbers ang pagkuha ng Senate Impeachment Court ng mga amicus curiae o “friends of the court” para magbigay ng independent legal opinion sa voting threshold sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Barbers, makatutulong ang mga eksperto, kabilang ang mga retiradong mahistrado at constitutional law experts, para magabayan ang mga senador sa pagdedesisyon kung mananatili sa 16 na boto ang kailangan para sa conviction.
Giit ni Barbers, malaking tulong ang amicus curiae sa pagbibigay ng datos, impormasyon at pananaw hinggil sa pagkakabuo at interpretasyon ng 1987 Constitution.
Gayunman, sinabi niyang hindi pa aniya “hinog” ang usapin para iakyat sa Supreme Court dahil wala pang aktuwal na kontrobersiyang maaaring maging batayan ng judicial review.
Samantala, sinabi ni Barbers na hindi voting threshold ang pangunahing pinagtutuunan ng House prosecution kundi ang kanilang mga ebidensya at mga testigong ihaharap sa impeachment court.
Aniya, 16 man o mas mababa ang maging kinakailangang boto, hindi ito dapat makaapekto sa paghahanda at presentasyon ng kanilang kaso. | ulat ni Kathleen Forbes