Pinag-aaralan ng House prosecution panel na humiling ng karagdagang stipulations o legal na kasunduan sa depensa ni Vice President Sara Duterte upang mapabilis ang paglilitis sa Senado.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, imumungkahi nila sa depensa ang isang stipulation para sa Article 2 hinggil sa “unexplained wealth” dahil sa napakaraming rekord mula sa iba’t ibang bangko kaugnay ng mga deposito ng Bise Presidente.
Ayon kay Chua, malaking tulong ang stipulation upang hindi na isa-isang busisiin sa mga pagdinig ang nasa 1,800 dokumento at humigit-kumulang 15 testigong mula sa mga bangko na iniharap ng prosekusyon.
Inihalimbawa ni Chua ang ginawang stipulation sa Article 1 kaugnay ng confidential funds, kabilang na ang pahayag ng saksi na si Edward Fajarda (dating DepEd SDO) na pinalampas na para sa “humanitarian reasons”.