Nilinaw ng Supreme Court (SC) na walang hurisdiksyon ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) sa isang alitan kung hindi kabilang sa iisang indigenous group ang lahat ng partidong sangkot.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul B. Inting, ibinasura ng SC Third Division ang petisyon ng mag-asawang Elvin at Jocelyn Sending kaugnay ng ejectment case sa isang ari-arian.
Iginiit ng mag-asawa na miyembro sila ng Lumad KKK-Alimaong Higaonon Tribe at dapat customary laws at tribal court ang humawak sa kaso.
Pero ayon sa SC, hindi miyembro ng anumang indigenous group ang kabilang panig na si Kristoffer R. Co Uy, kaya regular courts ang may hurisdiksyon sa usapin.
Binigyang-diin din ng Korte na maaaring malabag ang due process kung ipasasailalim sa customary laws ng isang indigenous community ang isang taong hindi kabilang dito.
Inutusan ng SC ang mag-asawa na lisanin ang pinag-aagawang ari-arian sa loob ng 30 araw mula sa pagtanggap ng desisyon.