Photo courtesy of Bureau of Customs
Nasabat ng Bureau of Customs–Port of Clark (BOC) Clark at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit ₱10.6 milyong halaga ng hinihinalang shabu na itinago sa karton ng wedding dress.
Tinatayang 1.573 kilo ng hinihinalang shabu ang narekober mula sa shipment na galing Mexico City, Mexico at nakatakdang ipadala sa Mandaluyong City.
Nadiskubre ang droga matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe sa X-ray ang shipment na idineklarang wedding dress.
Walang nakitang kontrabando sa mismong damit ngunit nang baklasin ang karton, natagpuan ang apat na plastic pouch na nakatago sa cardboard sidewalls.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel Nepomuceno, kailangang manatiling masusi ang mga tauhan ng BOC dahil sa patuloy na pagbabago ng paraan ng mga smuggler sa pagtatago ng kontrabando.
Isinailalim na sa laboratory analysis at confirmatory testing ng PDEA Clark ang nakumpiskang substance, habang naglabas na rin ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment.