Patuloy ang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos masunog ang M/V June Aster sa karagatan ng Coron, Palawan.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, umabot na sa 42 katao ang nasagip habang limang casualty ang paunang naiulat hanggang alas-11:10 kagabi.
Hindi pa nilinaw ng PCG kung ang limang casualty ay nasawi o nasugatan. Dinala ang mga ito sa Barangay Turda Covered Court sa Coron at itinurn-over sa Coron Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO para sa kaukulang disposisyon.
Naganap ang sunog noong Setyembre 9, may 1.2 nautical miles hilagang-silangan ng Barangay Marcilla.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng PCG, kabilang ang Maritime Environmental Protection Unit Northeastern Palawan at Coast Guard Special Operations Group. Tumulak din ang BRP Suluan mula San Fernando, El Nido upang magbigay ng karagdagang tulong.
Patuloy namang nagsasagawa ng sistematikong paghahanap ang Coast Guard District Palawan at iba pang responding units sa karagatan ng Coron habang mino-monitor ang kaligtasan ng mga pasahero at tripulante.