Patuloy na tutugon ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga pahayag at hakbang ng bansang China na may kaugnayan sa West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng “malinaw na legal na batayan” at tuloy-tuloy na diplomasya.
Sa kanyang naging talumpati sa dalawang araw na Center for Strategic and International Studies (CSIS) Manila Strategy Forum 2026 sa Parañaque City nitong Miyerkules, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro na nakabatay sa international law ang posisyon ng Pilipinas sa WPS, partikular sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at sa 2016 Arbitral Award.
Dagdag pa ng kalihim na ang mga ligal na instrumentong ito ay hindi bargaining chips bagkus ito ay itinatag nang pandaigdigang batas.
Sinabi rin ni Lazaro na palaging bukas ang Pilipinas para sa makabuluhang diyalogo sa China.
Ngunit iginiit niyang mananatiling matatag ang Pilipinas sa pagtatanggol sa sariling soberanya at hurisdiksyon nito sa West Philippine Sea.