Muling pinatibay ng Department of Social Welfare and Development o DSWD Field Office 8 ang pangako nitong maghatid ng mahusay, may malasakit at pananagutang serbisyo publiko.
Isinagawa kahapon, Setyembre 7, kasabay ng pagdiriwang ng ika-126 na Philippine Civil Service Anniversary, ang sabayang Lingkod Bayani Commitment Wall Signing sa buong bansa.
Matapos ang flag-raising ceremony, lumagda sa Commitment Wall ang mga opisyal at kawani ng DSWD-8, na kilala bilang “Angels in Red Vests,” at isinulat ang kanilang mga personal na panata bilang mga lingkod-bayan.
Kabilang sa kanilang ipinangakong isusulong ang integridad, kahusayan, pananagutan at tunay na malasakit sa paghahatid ng mabilis at nakasentro sa mamamayan na mga serbisyong panlipunan.
Sa ilalim ng temang “Puso, Dangal, at Galing Para sa Bayan,” binigyang-diin ng DSWD-8 na ang paglilingkod sa publiko ay hindi lamang isang propesyon kundi isang pangakong maglingkod nang may malasakit, dignidad at kahusayan sa bawat Pilipino.
📸 DSWD-8