Nakatakdang maghain ng mosyon sa Sandiganbayan ang Philippine National Police (PNP) para mailipat si dating House Speaker Martin Romualdez sa PNP General Hospital sa Kampo Crame.
Sa pulong balitaan sa Kampo Crame ngayong araw, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla, hindi sila pumapayag na manatili ang dating Speaker sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan.
Giit niya, kaya namang gawin sa PNP General Hospital ang mga pagsusuri na ginagawa kay Romualdez ng mga doktor sa kaniyang kalusugan.
Kasunod nito, sinabi ni Remulla na maituturing na “flight risk” si Romualdez dahil sa nagmamay-ari ito ng 2 private jet, 3 helicopters at 3 yacht.
Nabatid na dumaranas ng cardiovascular ailment, may unstable na blood pressure, at dumaranas ng anxiety attack si Romualdez at tinamaan din sya ng stroke o ischemic attack noong buwan ng Hulyo.
Samantala, iginiit naman ni Remulla na nakahanda na sa Payatas ang kwarto ni Romualdez sakaling ipag-utos ng korte na dito sya dalhin.
Gayunman, dahil nagkaroon ito ng isyu sa kalusugan kung kaya’t sa ospital muna ito dinala para magpagaling.
Matatandaan na si Romualdez ay nahaharap sa kasong plunder kaugnay sa maanomalyang flood control projects.