Nagpapasalamat ang mga napiling graduating college students na residente ng Barangay Dinaga sa Naga City sa naipagkaloob na ₱20,000 na scholarship grant sa pamamagitan ng Bagong Pilipinas Scholarship Program.
Ang mga estudyante na ito ay nag-aaral sa mga unibersidad sa Camarines Sur at sa UP Los Baños sa Laguna. Kahapon, Setyembre 7 sa sesyon ng Sangguniang Barangay ng Dinaga ay ipinagkaloob sa 4 na estudyante ang ₱20,000 na financial assistance na sinaksihan ni Kapitan Tin Intia at ng konseho ng barangay. Ang naturang tulong ay galing sa ₱100,000 na pondo mula sa Socio-Civic Projects Fund.
Samantala, ikwinento ni Jed Bigornia na isang graduating student sa kursong BS Food Tech sa Central Bicol State University of Agriculture na sinubukan niyang mag-apply sa naturang programa nang buksan ng barangay ang aplikasyon para rito.
Nagpapasalamat rin ito sa pamahalaan dahil magagamit niya ang tulong para sa kanyang thesis at sa iba pang gastusin bilang isang 4th year college student.
Nagpahayag din ng pasasalamat ang ina ng scholar na si Shawn Jensen Martinez na si Ate Jocelyn Martinez. Si Ate Jocelyn ang tumanggap ng sertipiko sa awarding dahil abala ang kanyang anak sa pag-aaral bilang isang DevComm student sa UP Los Baños. Bilang ina ni Shawn ay malaki ang magiging tulong ng naturang asistensya para makabawas sa gastusin lalo pa at tatlo ang kanyang anak.
Kasama ring tumanggap ng tulong ang mga estudyante na sina Ma. Yana Latifah Gutierrez, estudyante sa kursong BS Med Tech sa University of Sta. Isabel, at si Grizelle Joy Candelaria ng kursong BS Nursing mula sa Naga College Foundation.
Kinilala ng mga student-beneficiaries ang programang ito bilang isang instrumento para makamit nila ang oportunidad na makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.