Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Inilapit ni DepEd Secretary Sonny Angara sa Kamara ang kanilang hiling na mapaglaanan ng pondo ang ARAL Program, gayundin ang hiring ng mga dagdag na guro.
Sa budget briefing ng Kamara, kinumpirma ni Angara na zero budget ang Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program sa ilalim ng 2027 National Expenditure Program (NEP).
Ang ARAL Program ay isang nationwide educational intervention ng DepEd para matulungan ang mga estudyante na makahabol sa foundation skills sa pagbabasa, Math, at Science.
Ayon sa kalihim, hiling ng DepEd na mapaglaanan ng ₱9.98 bilyon ang ARAL Program para sa 2027, halos kapantay ng inilaan budget ngayong 2026.
Hahatiin ang pondo sa kompensasyon para sa 15,800 ARAL tutors at iba pang uri ng tutors, learning recovery, at remediation consultations, ARAL learning resources, at iba pa.
Ibinida naman ni Angara na epektibo ang ARAL Program, batay sa mga nakukuha nilang impormasyon at reports.
Sa katunayan, nasa 6.7 milyon nang estudyante ang nakibahagi rito.
Wala ring pondo sa ilalim ng panukalang 2027 budget para sa hiring ng mga bagong guro.
Paliwanag niya, ngayong 2026 ay mayroon kasing 32,000 hiring o “above average hiring.”
Ayon kay Angara, nasa 14,274 ang teacher shortage o kakulangan sa mga guro, na nangangailangan ng ₱4.29 bilyon.
Kaya naman apela ng kalihim na mapondohan din ang naturang kakulangan sa mga guro.