Matagumpay na isinagawa ng Tawi-Tawi Police Provincial Office (TTPPO) ang Orientation at Send-off Ceremony para sa mga tauhan ng Police Regional Office 9 (PRO 9) na magsisilbing Special Electoral Board (SEB) members at PNP Augmentation forces para sa nalalapit na kauna-unahang BARMM Parliament Elections 2026.
Layon ng aktibidad na ibahagi ang kahalagahan ng propesyonalismo, disiplina, at pagiging non-partisan habang sinusunod ang mga batas-pampulitika at ang umiiral nilang operational guidelines. Kabilang din dito ang pagtiyak sa seguridad at pagpapanatili ng tiwala ng publiko sa buong proseso ng halalan.
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin ni TTPPO Provincial Director PCOL Byron Allatog ang mahahalagang bilin para sa mga magsisilbing augmentation forces: tuparin ang kanilang mandato na panatilihin ang pampublikong kaligtasan, pangalagaan ang kalinisan ng halalan, at huwag lumayo sa pangunahing tungkulin ng kapulisan.
Ibinilin din niya ang paggalang sa batayang karapatan ng mga botante at ang pagtiyak na ligtas at nakatutok ang pagbabantay sa lahat ng election paraphernalia.
Dagdag pa niya, upang matiyak ang maayos na koordinasyon, magtatalaga ng tatlong (3) supervisors sa bawat distrito. Magkakaroon din ang bawat munisipalidad ng sariling Quick Reaction Team (QRT) na magsisilbing kaagapay ng lokal na municipal police station.
Nagpahayag din ng buong suporta ang pamunuan ng TTPPO sa pagkamit ng isang ligtas, maayos, at matagumpay na halalan habang pinapanatili ang kapayapaan at kaunlarang kilala sa lalawigan ng Tawi-Tawi.
📷 PNP Tawi-Tawi Police Provincial Office