Hiniling ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang suporta ng Kamara upang matiyak ang tuloy-tuloy na operasyon ng eGov Super App, kahit magpalit ang administrasyon.
Ito ang naging usapin sa budget hearing matapos kuwestiyunin ni House Appropriations Vice Chair Brian Poe kung paano masisiguro ang continuity ng programa.
Ayon kay DICT Undersecretary for e-Government Dave Almirol, in-house na dine-develop at pinatatakbo ng DICT ang eGov Super App at wala itong contractors, kaya isa sa mga pangunahing hamon ang pagpapanatili ng sapat na bilang ng IT personnel.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Almirol na nasa Salary Grade 19 at 20 ang karamihan sa kanilang programmers, na kumikita lamang ng tinatayang ₱50,000 hanggang ₱60,000 kada buwan, habang umaabot naman sa Salary Grade 22 ang pinakamataas na IT position sa kanilang departamento.
Ayon sa DICT, nahihirapan silang makipagkumpitensya sa pribadong sektor sa suweldo kaya may pangamba sa pagpapanatili ng mga developer at iba pang IT professionals na kailangan para sa eGov.
Bagama’t may E-Governance Act o Republic Act 12254 na nag-iinstitutionalize sa digitalization ng gobyerno, sinabi ng DICT na kailangan pa ring tugunan ang usapin sa personnel at compensation para matiyak ang sustainability ng programa.
Samantala, hiniling ni DICT Secretary Henry Aguda sa Kongreso ang pagpasa ng Magna Carta para sa IT professionals upang mapataas ang compensation at benefits at mapanatili sa gobyerno ang mga eksperto sa information technology.
Nangako naman si Leyte Representative Richard Gomez na maghahain ng panukalang batas para rito.