Kinuwestiyon ni Akbayan Party-list Rep. Percival Cendaña ang patuloy na mataas na presyo ng mga airline ticket, partikular sa mga lokal na destinasyon, sa pagdinig ng Kamara sa panukalang budget ng Department of Tourism (DOT) para sa 2027.
Tinukoy ni Cendaña na umabot na sa level 13 ang pagtaas ng fuel prices ngayong buwan mula sa level 8 noong Hulyo, kaya’t nais niyang malaman kung ano ang hakbang ng DOT upang maging mas abot-kaya at mas accessible ang domestic travel.
Sa pagdinig, ipinaliwanag ni Tourism Usec. Stanley Ng na isa sa pangunahing dahilan ng mataas na airfare ay ang pagtaas ng presyo ng aviation fuel bunsod ng sitwasyon sa Middle East at ang pagdepende ng Pilipinas sa imported na fuel dahil wala itong sariling refinery para sa aviation fuel.
Bukod dito, sinabi rin ng opisyal na nakaaapekto ang kakulangan sa imprastraktura sa mga island destination gaya ng Siargao, Busuanga at El Nido, kumpara sa Cebu, at Davao na may mas maraming biyahe at mas malalaking eroplano.
Paliwanag ni Ng, mas mababa ang pamasahe sa Cebu at Davao dahil mas malaki ang supply ng upuan at kaya ng mga paliparan doon na tumanggap ng mas malalaking aircraft, samantalang limitado ang operasyon sa ilang isla dahil sa maiikling runway at kakulangan sa airport facilities.
Sinabi rin ng DOT, na nakikipag-ugnayan ito sa Department of Transportation at Civil Aeronautics Board upang mapabilis ang pagpapabuti ng mga paliparan, kabilang ang pagpapalawak ng runway sa Busuanga at mga proyekto sa Siargao at El Nido upang makatulong sa pagpapababa ng airfare sa hinaharap.