Photo by Baguio Tourism Facebook
Kasabay ng pagdagsa ng mga turista sa muling pagbubukas ng Burnham Lake, nagpaalala ang pamahalaang lungsod ng Baguio sa publiko na mag-ingat sa mga travel scam online, na may alok na ‘too good to be true’ travel deals.
Ayon kay Baguio City Tourism Officer Engineer Aloysius Mapalo, talamak ang online modus na tina-target ang mga turistang umaakyat ng Baguio ngayong -ber months.
“Engage to those [tourism establishments] that are certified. Marami na tayong narinig na na-scam through online or social media offers. Pagdating sa Baguio, hindi pala totoo,” ani Engr. Mapalo.
Payo ng opisyal, gamitin ang Baguio Visita website at app, kung saan nakalista ang mga lehitimong tourism establishments at may agent na agad sasagot sa mga katanungan.
Inaasahang pagdating ng Oktubre hanggang Disyembre, aabot sa 200,000 turista kada buwan ang bibisita sa Baguio City.
“‘Yung peak season na ‘yan, umaabot ng hanggang 200,000 [visitors] a month. Weekends ang talagang mataas. Towards October to December, definitely more than 20,000 na ang umaakyat every weekend,” dagdag pa ni Engr. Mapalo.