Pasok pa rin sa tinatawag na “expected rice losses” ang bilang ng napinsalang bigas bunsod ng serye ng mga bagyo at matinding habagat.
Ito ang naging pahayag ni Department of Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa sa panayam ng Mark In, Mark Out.
Ayon kay De Mesa, sumampa na sa mahigit 60,000 metric tons ang bilang ng nasirang bigas, bagay na pasok pa sa expected losses threshold na karaniwang umaabot sa 500 hanggang 600 thousand metric tons.
Malayo rin ito sa annual harvest volume ng bansa sa bigas na 20 million metric tons kaya siguradong hindi ito makaaapekto sa presyuhan ng bigas.
Nananatili ring maayos ang suplay ng bigas kahit pa binayo ng mga bagyo at malakas na habagat ang Central Luzon dahil may ibang lugar din namang pinagkukunan ang NFA.
May sapat ding imbentaryo ang bansa ng imported na bigas kaya hindi dapat mangamba ang publiko sa isyu ng shortage sa bigas.
Patuloy naman ang paalala ng DA sa mga nais magsamantala sa presyo ng bigas na huwag na itong ituloy dahil mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng DA, lalo’t tinanggal na ang price cap sa imported na bigas.