Hinimok ni House Committee on Human Rights Chairperson at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. na taumbayan na ang humusga sa uri ng pamumuhay ni VP Sara Duterte ngayong nakatakdang talakayin ang alegasyon ng unexplained wealth sa Senate impeachment vourt.
Ayon kay Abante, hindi kapani-paniwala ang sinasabing “simple ang pamumuhay” ng bise gayong sunod-sunod na biyahe sa ibang bansa at ang malaking legal team para depensahan siya.
Puna ni Abante, hindi maituturing na simple ang pamumuhay kung nagagawa nitong magtungo sa iba’t ibang bansa—sa gitna ng nagpapatuloy na impeachment trial.
Aniya, kahit pa sabihing sariling pera ang ginagamit ni Duterte sa kanyang mga biyahe, hindi pa rin ito sumasalamin sa isang simpleng pamumuhay.
Kinuwestiyon din niya ang pagkakaroon ng 15 abogado na magtatanggol kay Duterte sa impeachment court at kung talagang kailangan ang ganoong karaming tagapagtanggol.