Binigyang-diin ni House impeachment prosecutor at Bicol Saro Rep. Terry Ridon na ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na wala siyang tiwala sa mga korte sa Pilipinas ay maaaring sumalungat sa sarili niyang posisyon laban sa hurisdiksyon ng International Criminal Court (ICC) sa kaso ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Ridon, mabigat na pahayag para sa ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa na hayagang sabihing wala siyang tiwala sa sistema ng katarungan sa bansa.
Ipinaliwanag ni Ridon na ang prinsipyo ng complementarity ng ICC ay nakasalalay sa kakayahan o kagustuhan ng mga lokal na awtoridad na litisin ang mga kaso, kaya’t maaaring makasama ang pahayag ng Bise Presidente sa depensa ng dating pangulo.
Ikinumpara ito ni Ridon sa naunang pahayag ni VP Sara noong Hulyo na nagsasabing “functioning” o maayos na gumagana ang hudikatura sa bansa.
Kasunod nito, hinimok ni Ridon ang Bise Presidente na maging mas maingat sa kanyang mga pahayag upang hindi masira ang sarili niyang mga argumento ukol sa kakayahan ng mga lokal na hukuman.