Pinaiigting ng pamahalaan ang mga ipinatutupad nitong hakbang upang mapanatiling under control ang presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa, sa gitna ng patuloy na epekto sa Pilipinas ng Middle East crisis.
Ito ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay dahil nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang pagsisiguro na abot-kaya ang presyo ng mga bilihin, at natutugunan ang inflation.
Ang tunay na dahilan kasi aniya ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay inflation. At tuwing tumataas ang presyo ng langis, sumusunod din ang presyo ng pag-kain.
“The real problem that’s driving all of this is inflation…Food follows fuel.” -Pangulong Marcos Jr.
Binanggit ng Pangulo na nagdudulot ng kawalan ng katiyakan sa pandaigdigang supply ng langis ang pagsasara ng Strait of Hormuz, mga pag-atake sa imprastraktura ng langis, at ang tumitinding tensyon sa Red Sea.
Ang gobyerno, ayon kay Pangulong Marcos ay patuloy na tumutugon sa mga panlabas na pressure upang mapagaan ang epekto nito sa presyo ng mga bilihin.
“We’re trying to do everything that we can to keep prices down.” -Pangulong Marcos