Itinampok sa programang School-On-The-Air ng Radyo Magasin ang nag-iisang batang Pilipino na sumali at nagwagi ng unang puwesto sa storytelling competition na Rising Star 2026 sa Carmela, Indiana, USA.
Si Riley Brielle Cantos ay walong taong gulang nang siya ay manalo sa kompetisyon sa Theater Arts Division – Elementary Category sa pagsasalaysay ng kuwentong pinamagatang “The Boy Who Befriended a Firefly”.

Kuwento ni Riley, sumali siya rito nang malaman niya na walang kumakatawan sa Pilipinas sa naturang kompetisyon.
Ilang linggo bago ang patimpalak, walang-sawa aniya siyang nag-eensayo sa tulong ng kaniyang ina. Naglaan ng oras sa pagmemorya ng bawat salita at damdamin na nais ipahayag ng kuwento.
Dagdag pa ni Riley, kahit siya ay abala sa pag-aaral, buong pusong sinuportahan at inunawa ng kaniyang mga guro ang paglahok niya sa storytelling competition.

Dahil sa hindi matatawarang dedikasyon at husay ni Riley, ginawaran din siya ng pagkilala ng Lokal na Pamahalaan ng Lalawigan ng Batangas.

Payo ni Riley sa ibang mga bata, na huwag matakot sumubok na sumali sa mga kompetisyon upang magkaroon ng kumpiyansa sa sarili, at ang pagbibigay prayoridad sa mga bagay na nais nilang gawin at matutunan.
Maliban sa talento ni Riley sa pagsasalaysay ng kuwento, marami rin siyang iba pang pinagkakaabalahan gawin tulad ng pagpipinta, editorial cartooning, at paglalaro ng badminton.
Ang kuwento ng tagumpay ni Riley ay isa ring patunay ng mahalagang gampanin ng pamilya at paaralan sa pag-unlad ng potensyal at talento ng mga bata.