Naniniwala si Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez na patunay ng pagsisikap ng Kamara na mapalapit sa mamamayan ang mataas na satisfaction rating sa mga district representative.
Batay sa pinakahuling OCTA Research Tugon ng Masa survey, 64 porsyento ng mga Pilipino ang nagsabing mahusay ang kanilang district representative sa pagganap ng tungkulin sa Kamara, habang 27 porsyento ang hindi sang-ayon at siyam na porsyento ang undecided.
Pinakamataas ang satisfaction sa Visayas na 68 porsyento, 65 porsyento sa Mindanao, 63 porsyento sa Balance Luzon, at 60 porsyento sa National Capital Region.
Ayon kay Hernandez, ipinapakita ng resulta na kinikilala ng mga mamamayan ang mga kongresistang nakikinig, alam ang kanilang problema, at kumikilos para sa kanilang mga pangangailangan.
Sinabi niyang naaayon ito sa panawagan ni Speaker Faustino Dy III na dapat nakatutok sa trabaho, nakikinig, at lumalapit sa mga nasasakupan ang mga mambabatas.
Hinikayat naman ni Hernandez ang mga kongresista na huwag makuntento sa 64 porsyento at lalo pang pagbutihin ang serbisyo sa kanilang mga distrito.
“Malinaw ang mensahe: kapag nararamdaman ng tao na nakikinig ang kanilang kinatawan, alam ang kanilang problema, at kumikilos para sa kanilang pangangailangan, kinikilala nila ito. These survey findings are a product of the hard work of House members who took the Speaker’s call to heart. Nakikita natin ang ating mga kongresista na nagtatrabaho, umiikot sa kanilang mga distrito, nakikinig at tumutugon sa kanilang mga kababayan. Kaya sa lahat ng ating mga kasamahan: ipagpatuloy natin ito. Huwag tayong makuntento sa 64 percent. Let us work harder and reach more people,” giit ni Hernandez.
Samantala, sinabi ni Manila 6th District Representative Bienvenido Abante Jr. na patunay ang naturang survey na kayang pagsabayin ng mga mambabatas ang kanilang legislative at constituency work habang ginagampanan ang tungkulin sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Aniya, hindi dahilan ang impeachment para mapabayaan ang iba pang trabaho ng Kamara, kabilang ang paghimay sa panukalang ₱7.2 trillion national budget para sa 2027.
Sinabi ni Abante na natapos sa takdang panahon ang agency-level budget hearings ng House Appropriations Committee, at target ng Kamara na maaprubahan sa ikatlong pagbasa ang General Appropriations Bill sa October 9. “The House has demonstrated that it can fulfill its constitutional duty in the impeachment proceedings while continuing to legislate, scrutinize the national budget, and respond to the everyday needs of our constituents. Hindi dahilan ang impeachment upang mapabayaan namin ang iba pang tungkulin ng Kamara. Kasabay ng aming paghahangad ng katotohanan at pananagutan, patuloy kaming gumagawa ng mga batas at naglilingkod sa aming mga distrito,” diin ni Abante.