Hinihikayat ng National Food Authority (NFA) ang mga Pilipinong magsasaka na huwag magsawang pumunta sa kanilang tanggapan at ibenta ang kanilang palay.
Ito ayon kay NFA Administrator Larry Lacson ay dahil napakaganda ng presyuhan ng pagbili ng gobyerno sa ani ng mga magsasaka.
“Sa atin namang mga kababayan, lalong-lalo na sa ating mga kababayang magsasaka ‘no, patuloy po tayong pumunta sa National Food Authority at ibenta ang inyong mga palay.” — Lacson.
Ayon sa opisyal, hindi lamang makikinabang ang mga magsasaka sa magandang presyuhan ng palay, bagkus, makakatulong pa sila sa pagpapatatag ng buffer stock ng bigas sa bansa.
“Napakaganda po ng presyo natin, hindi lang po kayo makikinabang ng mas maganda eh, nakatulong pa po kayo sa buffer stocking.” — Lacson.
Ayon kay Lacson, hanggang sa kasalukuyan, bukas ang mga warehouse ng NFA, at nangangailangan pa ang gobyerno nang mas maraming palay, sa gitna na rin ng paghahanda ng bansa sa El Nino.
“Hanggang sa ngayon ay open po ang aming mga warehouses, kailangan pa po natin ng mas maraming palay, kaakibat or kasama ito sa paghahanda sa darating na super El Niño nang sa gayon kung mayroon mang mangailangan ng bigas ay marami po tayong maipangtutustos. Pumunta lamang kayo at ibenta ninyo ang inyong palay sa National Food Authority.” — Lacson.