Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2421 o ang panukalang naglalayong iinstitutionalize ang libreng programa sa pabahay para sa mga kwalipikadong low-income Filipino.
Sa ilalim ng panukala, maaaring tirhan at gamitin ng mga benepisyaryo ang lupang pag-aari ng gobyerno para sa residential purposes sa pamamagitan ng usufruct arrangement, habang mananatili sa estado ang pagmamay-ari ng lupa.
Ayon kay Senador Chiz Escudero, makatutulong ang panukala para mabigyan ng disenteng tahanan ang milyun-milyong pamilyang mababa ang kita nang hindi kinakailangang ilipat sa mga benepisyaryo ang pagmamay-ari ng government land.
Ang mga usufruct contract ay irerehistro sa registry of deeds para matiyak ang transparency at legal na proteksyon ng mga benepisyaryo.
Kwalipikado lang sa programa ang mga underprivileged Filipino na walang sariling bahay o real property at hindi professional squatters o miyembro ng squatting syndicates.
Mahigpit ding para lang sa residential use ang mga housing unit at hindi maaaring ibenta, ipaupa, isanla o ilipat sa iba.
Kapag lumabag, makakansela ang kanilang karapatang gamitin ang property at maaari silang ma-disqualify sa anumang government housing program sa loob ng 10 taon.
Ipinasa ang panukala sa botong 18 na senador ang pumabor, walang tumutol at walang nag-abstain. | ulat ni Nimfa Asuncion