Photo courtesy of Google Earth
Naglunsad ng bagong pag-atake ang Houthis laban sa Saudi Arabia nitong Lunes ilang araw matapos na mapasakamay ng armadong grupo ang Perim Island sa bukana ng Red Sea – ang isa pang importanteng daanan ng langis sa Gitnang Silangan.
Ayon sa grupong kaalyado ng Iran, pinuntirya ng kanilang hanay gamit ang drones at missiles ang isang Saudi military airbase sa Khamis Mushait at umano’y nakapinsala ng ilang pasilidad doon.
Anila, ang pag-atake ay kanilang ganti sa ilan daang airstrikes ng Riyadh sa Yemen nitong mga nakaraang araw.
Kinumpirma ng Saudi Arabia na may panganib sa southwestern border buhat sa pagpapalabas nito ng emergency alerts ngunit wala itong kinumpirmang pinsala.
Samantala, dahil sa mga bagong tensyon, minabuti na muna ng Gulf States na kanselahin ang pulong nito kasama ang Iran para sana sa negosasyon upang muling mabuksan ang Strait of Hormuz.
Buhat sa mga pangyayari sa Middle East nitong weekend at Lunes, tumaas ng 3% ang crude oil sa pagbubukas ng market ngayong linggo.