Nilinaw ni retired Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na kailangang ideklara ng isang public official sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ang lahat ng ari-arian ng kanyang asawa, kabilang ang cash, negosyo, at iba pang assets.
Sa pagtatanong ni Senate President Sherwin Gatchalian sa ika-24 na araw ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte, sinabi ni Cabotaje-Tang na may exception lamang kung nagkaroon ang mag-asawa ng complete separation of property bago ang kanilang kasal, alinsunod sa isang bagong desisyon ng Supreme Court.
Ayon kay Cabotaje-Tang, ang public official lamang ang maaaring mapanagot dahil siya ang obligadong maghain ng SALN at isama rito ang assets ng kanyang asawa.
Gayunman, kung hindi alam ng public official ang isang bank account o ari-arian ng kanyang asawa, maaari itong tanggapin bilang depensa kung mapapatunayang walang intentional concealment.
Pero kung sinadya aniya ang hindi pagdeklara at mapatunayang unlawful ang pagkakakuha ng unexplained wealth, maaari itong maging batayan para sa pagkakatanggal o dismissal sa serbisyo. Sinabi rin ng retired justice na maaaring maapektuhan ang public official ng mga transaksyon ng negosyo ng kanyang asawa kung mapatutunayang ang pagkuha o pagmamay-ari ng assets ay traceable sa public official.