Photo courtesy of Senate of the Philippines
Itinutulak ni Senador Chiz Escudero ang mabilis at nationwide rollout ng digital passenger manifest system sa mga pantalan sa bansa, kasunod ng trahedyang kinasangkutan ng MV June Aster sa Coron, Palawan.
Ayon kay Escudero, muling ipinakita ng insidente ang mga puwang sa maritime safety protocols, lalo na matapos lumutang ang posibilidad na mas marami ang sakay ng barko kaysa sa nakatalang opisyal na passenger manifest.
Sinabi ng senador na dapat magkaroon ng real-time at accurate na passenger data ang mga awtoridad upang agad na matukoy ang mga sakay ng barko at mapabilis ang search and rescue operations kapag may emergency.
Nauna nang ipinag-utos ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang paggamit ng digital passenger manifests. Ngunit ayon kay Escudero, hindi pa pare-pareho ang implementasyon nito sa mga pantalan sa iba’t ibang rehiyon.
Giit ni Escudero, dapat makasabay ang Pilipinas sa mga kapitbahay na bansa sa Southeast Asia sa paggamit ng digital systems upang hindi na maulit ang malalaking information gaps sa oras ng sakuna.
Samantala, nanawagan din si Escudero ng masusing pagsusuri sa maritime safety system ng bansa, kabilang ang fire suppression standards, crew training, vessel age limits, at regulatory oversight.