Kumikilos na ang mga kinauukulang yunit ng Philippine National Police (PNP) para tiyakin ang seguridad, kaayusan at kapayapaan habang inaalalayan ang mga maaapektuhang pasahero ng nakakasang transport strike ng grupong MANIBELA ngayong araw.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., may nakatalaga silang template para sa pagpapatupad ng seguridad sa mga kahalintulad na aktibidad hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa iba pang urban areas.
Mahigpit ang atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kapayapaan at kaayusan upang maprotektahan ang publiko sa gitna ng mga aktibidad na maaaring makaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino.
Bagaman iginagalang ng PNP ang karapatan ng mga transport group at iba pang organisasyon na ipahayag ang kanilang saloobin, sinabi ni Nartatez na kanilang pananatilihin ang kaayusan at pipigilan ang anumang hakbang na maglagay sa panganib sa publiko.
Inatasan naman ng PNP Chief ang mga Local Police Chief na makipag-ugnayan sa mga Lokal na Pamahalaan para sa mahigpit na koordinasyon upang mailatag ang mga kinakilangang pagtugon.