Nabawasan ang mga pamilyang naging biktima ng common crimes sa nakalipas na anim na buwan, batay yan sa 2nd Quarter 2026 Survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa naturang survey, bumaba sa 10% ang mga pamilyang nabibiktima ng mga karaniwang krimen mula sa 12.3% noong Marso 2026. Kabilang dito ang street robbery o nakawan, break-in o pagnanakaw sa bahay, carnapping, at physical violence.
Bumaba rin ang victimization sa property crimes sa 9.1% mula 11.5% noong Marso.
Samantala, tumaas naman sa bagong record na 8% ang mga pamilyang nakaranas ng cybercrime, mula sa 5.8% noong Marso.
Nanatiling mataas din sa 62% ang mga nangangambang mapasok ng magnanakaw ang kanilang bahay habang 59% ang nangangambang maglakad sa kalsada sa gabi dahil hindi ito ligtas.
Samantala, halos hindi nagbago ang bilang ng mga nagsasabing marami nang drug addicts sa kanilang lugar na nasa 51% noong Hunyo kumpara sa 50% noong Marso.
Isinagawa ang survey mula June 20 hanggang 29 sa 1,200 adult respondents sa bansa.