Kapwa itinuturing na mapayapa at matagumpay sa pangkalahatan ang kauna-unahang Parliamentary Elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito’y sa kabila ng mga napaulat na insidente ng karahasan sa iba’t ibang lugar sa BARMM kung saan, may ilang nasawi at nasugatan.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., aabot 98.90% o 1,173 mula sa 1,186 na mga voting centers ang nakatapos ng botohan.
Habang may 13 presinto pa ang hindi pa rin nakapagsisimula ng botohan sa Basilan matapos mabisto naman ang mga pre-shaded na balota.
Ayon naman kay Army’s 6th Infantry Division Spokesman, Lt. Col. Ronald Suscano, bagaman may mga ilang ulat ng gulo, engkwentro, at pagsabog, nananatiiling mapayapa ang kabuuan ng halalan sa rehiyon.
Kung tutuusin aniya, mas kakaunti lang ang mga napaulat na insidente ng karahasan ngayon kumpara sa mga nakalipas na halalan kung saan, mainit ang mga tunggalian sa politika.