Ibinida ng Philippine National Police (PNP) ang epektibo nitong mga hakbang upang malabanan ang krimen at mapanatiling ligtas ang publiko.
Ito’y matapos lumabas sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na bumaba ang antas ng mga pamilyang Pinoy na napaulat na bikima ng common crimes sa nakalipas na anim na buwan.
Ayon kay PNP Chief, Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., patunay lamang ito ng epektibong pagtugon ng Pambansang Pulisya sa mga umuusbong na banta lalo na sa digital space.
Kabilang na riyan ayon sa PNP Chief ang pinaigting na Police visibility gayundin ang mabilis at nararamdamang pagtugon na siyang dapat nilang panatilihin.
Batay kasi sa survey, bumaba sa 10% mula sa dating 12.3% ang mga pamilyang nabibiktima ng common crimes gaya ng pagpatay, pagnanakaw, panggagahasa, physical injuries at carnapping.
Ayon sa PNP Chief, hindi ito ang panahon para maging kampante bagkus ay hamon ito para sa kanila na pagbutihin pang lalo ang kanilang trabaho.
Kasunod nito, kumikilos na rin aniya ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) para bantayan ang cyberspace at tugisin ang mga nasa likod ng panloloko at pananamantala gamit ang makabagong tekonolohiya.