Photo courtesy of House of Representatives
Welcome para kay House Speaker Faustino Dy III ang pagtanggal sa 12-percent VAT sa allowable system loss charges sa kuryente.
Ayon kay Dy, direktang makikinabang dito ang mga kabahayan at negosyo dahil mababawasan ang gastos na ipinapasa sa consumers sa kanilang electricity bill.
Sinabi ng Speaker na hindi naman dapat nagbabayad ng buwis ang mga consumer para sa kuryenteng hindi naman nila aktwal na ginagamit.
Nagpasalamat din si Dy kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa direktiba nitong humanap ng paraan para mapababa ang presyo ng kuryente, gayundin sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Energy Regulatory Commission (ERC), at mga energy officials na mabilis umaksyon sa usapin.
Sa ilalim ng Revenue Memorandum Circular 97-2026 ng BIR, inalis ang 12-percent VAT sa allowable system loss charge, alinsunod sa cap na inaprubahan ng ERC.
Giit ni Dy, bawat pisong mababawas sa electricity bill ay malaking ginhawa para sa mga pamilyang hirap pagkasyahin ang kanilang budget para sa pagkain, edukasyon, at iba pang pangunahing pangangailangan.