Photo courtesy | European Commission photo
Nanawagan ang European Commission sa mga bansang miyembro ng European Union (EU) na magkaisa upang harapin ang malalaking hamon sa rehiyon, kabilang ang climate change, artificial intelligence, at tumitinding kompetisyon mula sa China.
Ayon sa ulat ng Reuters, ilalatag ni European Commission President Ursula von der Leyen sa kaniyang taunang talumpati sa European Parliament ang mga prayoridad ng EU para sa susunod na taon.
Kabilang dito ang pangangailangan na mapanatili ng Europe ang sariling kakayahan sa enerhiya, raw materials, at malinis na teknolohiya.
Kasabay nito, nais ng EU na palakasin ang ugnayan sa Canada na nakikitang mahalagang partner upang mabawasan ang pagdepende ng Europe sa China para sa mahahalagang materyales.
Inaasahan ding pag-uusapan ang trade deficit ng EU sa China, epekto ng AI sa trabaho at cybersecurity, climate adaptation, at migration.
Samantala, nakatakda namang magsalita si Canadian Prime Minister Mark Carney sa European Parliament upang ihayag ang kaniyang pananaw sa alyansa ng Canada at Europe.