Pinalakas ng Philippine National Police (PNP) ang koordinasyon nito sa United States Department of Homeland Security Investigations upang matunton ang mga trafficker at mga nasa likod ng pang-aabuso online at pagsasamantala sa mga bata.
Kasunod ito ng courtesy visit ni HSI Attaché Stephen James Richardson kay PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr. sa Camp Crame.
Ayon kay Nartatez, mas mapapalakas ng partnership na ito ang kanilang kakayahang magpalitan ng impormasyon, imbestigasyon, at habulin ang mga salarin na nag-ooperate sa labas ng bansa.
Sa ilalim ng partnership, paiigtingin ng PNP ang koordinasyon sa HSI sa mga kaso ng online child exploitation.
Kabilang dito ang real-time intelligence exchange at mas mabilis na pagtugon sa mga kasong may kinalaman sa mga suspek na nag-ooperate sa iba’t ibang hurisdiksyon.
Nagbabala naman si Nartatez sa mga nagsasamantala sa mga batang Pilipino na hahabulin sila ng PNP saanman sila naroon, at titiyakin nilang mapapanagot ito ng batas.