Hinikayat ng Senate Impeachment Court ang publiko na magpadala ng mga katanungan para sa mga retiradong mahistrado ng Korte Suprema na haharap dito bilang amici curiae o “friends of the court” na tutulong sa pagresolba sa bilang ng boto para sa pag-convict o paghatol na guilty kay VP Sara Duterte.
Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Impeachment court spokesperson Atty. Reginald Tongol na maaaring ipadala ang mga tanong sa official Facebook page ng Senado.
Nilinaw naman na pipiliin lang ang mga katanungang hindi pa naitatanong o hindi maaaring itanong ng mga senator-judge.
Si Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero naman ang magbabasa ng mapipiling tanong.
Bukod sa publiko, maaari ring magpatanong ang mga abogado ng prosecution at defense at idadaan din ito kay Escudero.
Inimbitahan at haharap sina retired Supreme Court Chief Justices Artemio Panganiban at Reynato Puno, at retired Associate Justice Adolf Azcuna.
Inimbitahan din pero magpapadala lang ng legal memorandum si dating Chief Justice Hilario Davide Jr., na naging presiding officer ng Senate Impeachment Court noong nilitis si dating Pangulong Erap Estrada.